Flavors of the Philippines Food Festival at Christmas Tree Lighting, inilunsad

Flavors of the Philippines Food Festival at Christmas Tree Lighting, inilunsad

Sa pagtataguyod ng Embahada ng Pilipinas sa Beijing at pakikipagtulungan ng Kagawaran ng Turismo ng Pilipinas sa Beijing (PDoT-Beijing) at Grand Hyatt Beijing, inilunsad Nobyembre 29, 2024, sa Beijing ang Flavors of the Philippines Food Festival at Christmas Tree Lighting.
Sa loob ng susunod na tatlong linggo, itatampok sa pestibal ang mayamang pamanang kulinarya ng Pilipinas, at mainit na diwa't estilo ng tradisyonal na "Noche Buena" ng Pilipinas tuwing sasapit ang Pasko.
 
Layon nitong palakasin ang ugnayang pangkultura ng dalawang bansa, at ipakilala sa mga Tsino ang turismo sa pagluluto ng Pilipinas. 
Sa kanyang pambungad na talumpati, ipinakilala ni Jaime A. FLorCruz, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, ang pagkaing Pilipino sa pamamagitan ng mayamang kasaysayan at makulay na paraan ng pagluluto.
 
Sinabi niyang ang pagkaing Pilipino ay isang eksaktong timpla ng natatanging silangan at kanluraning panlasa, na inangkop sa pamumuhay ng mga Pilipino.
 
"Ginawa itong sariling atin na may katutubong sangkap na Pilipino," paliwanag pa niya.
 
Sinabi ni FlorCruz, na para sa mga Pilipino, lalo na, sa maraming nasa ibayong dagat, ang "Noche Buena" ay isang imbitasyon sa hapag kainan kasama ng mga taong mahalaga sa kanilang buhay.
Bilang isang diplomata, sinabi ng embahador, na siya mismo ay malayo rin sa malaking bahagi ng kanyang buhay sa Pilipinas, ngunit saan man siya naroroon, tuwing nakakatikim siya ng pagkaing Pilipino, palagi niyang nalalasap ang pakiramdam ng pag-uwi sa Pilipinas.
 
Saad niya, ang pestibal na ito ay tungkol sa pagpapakilala ng pagkain at kultura ng Pilipinas, pagpapahayag ng pasasalamat sa walang katapusang suporta, piyesta ng masasarap na pagkain, at taos-pusong paanyaya sa mga kaibigang Tsino, na bumisita sa Pilipinas para higit pang makilala ang bansa. 
Tatagal mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 21, 2024, ang pagtitipon ay dinaluhan ng mga opisyal Pilipino, personalidad, opisyal ng hotel, social media influencer at Pilipinong naninirahan sa Tsina.

https://filipino.cgtn.com/2024/12/01/ARTI1733047780885470

Pagpapalawak ng relasyong Pilipino-Sino sa pamamagitan ng obra, inaasahan ng Pilipinang pintor

Pagpapalawak ng relasyong Pilipino-Sino sa pamamagitan ng sariling obra, inaasahan ng Pilipinang pintor
Binuksasn nitong nagdaang Sabado, Oktubre 19, 2024, sa Beijing, Tsina ang Ika-12 Solo Painting Exhibition ng kilalang alagad ng sining ng Pilipinas na si #JensenMoreno. 
Sa ilalim ng temang“Ritmo ng Buhay: Sayaw ng Paruparo sa Paligid ng mga Bulaklak-Kukun, Paruparo, Bulaklak,” nakatanghal sa eksibisyon ang halos 30 obra ni Moreno. 
Kabilang dito, ang pinakamahalaga ay ang obrang pinamagatang Mariposa na pininta ni Moreno noong 2018. Ang Mariposa ay nangangahulugang malaking paruparo sa wikang Espanyol. 
Si Jensen Moreno sa harap ng kanyang obrang #Mariposa
Sa panayam ng Serbisyo Filipino ng China Media Group, sinabi ni Moreno na ang Mariposa ay ang kuwento tungkol sa pagkabata niya. Noong bata pa si Moreno, madalas siyang humahabol sa mga paruparo sa kanyang lupang-tinubuan sa Bataan, Pilipinas. Isang araw, nakita niya ang napakalaking paruparong ito sa patyo at di niya iyon nakalimutan. 
Bilang alagad ng sining, gustong pagsamahin at paghaluin ni Moreno ang mga abstraktong bagay, halimbawa, ang luma at ang bago, noon at ngayon, at ang pamilyar at ang di-pamilyar. Kitang kita at ramdam na ramdam ito sa pintang Mariposa, ani Moreno.
Ang Mariposa ay isa ring talinghaga na nagpapahiwatig ng sarili niyang paghabol ng pangarap at pagtupad ng mga hangarin, dagdag pa ni Moreno. 
Sa ngalan ng Pasuguan ng Pilipinas sa Tsina, ipinadala ni Embahador Jaime A. FlorCruz ang mensaheng pambati sa eksibisyon ni Moreno. Ani FlorCruz, si Moreno ay kumakatawan nang maigi sa mga talentong Pilipinong nakabase sa Tsina, sa pamamagitan ng kanyang samu’t saring obra na nagtatampok sa makukulay at katangi-tanging kulturang Pilipino. 
Ang pinta ni Moreno na pinamagatang Ang Bayani, at inihandog niya ito sa Pasuguan ng Pilipinas sa Tsina. 
Tatagal ang eksibisyong ito nang isang taon hanggang Oktubre 22, 2025.
Kasalukuyang nakabase sa Beijing, si Moreno ay isa ring guro, tagadisenyo, tagapag-organisa ng mga aktibidad na pansining, at direktor ng sining. 

#OFW #MPST #sining #pagpipinta #artista

https://filipino.cri.cn/2024/10/22/ARTIWaUCnIlhKyvfXicUbZqo241022.shtml

Ika-607 anibersaryo ng pagdalaw sa Tsina ni Paduka Batara, ginunita sa Dezhou

Ika-607 anibersaryo ng pagdalaw sa Tsina ni Paduka Batara, ginunita: Princess Jacel H. Kiram ng Sulu, personal na dumalo
Setyembre 13, 2024, lunsod Dezhou, lalawigang Shandong, gawing silangan ng Tsina – Dumalo’t pinangunahan ni Princess Jacel H. Kiram ng Sulu ang Ika-607 Anibersaryo ng Pagdalaw sa Tsina noong 1417 ni Paduka Batara, Hari ng Silangang Kaharian ng Sulu.
Sa panayam sa China Media Group – Serbisyo Filipino (CMG – SF), sinabi ni Kiram na ang musoleo ni Paduka Batara sa Tsina ay isang testamento, na ang Sulu ay minsan nang naging dakilang nasyon.
“Kaya nga, tuwing ako’y pumupunta rito nagbibigay tayo ng ‘panalangin para sa mga yumao,’ hindi ko maiwasang maging emosyonal,” anang prinsesa.
Upang umusad sa tamang landas ang kasalukuyang relasyong Pilipino-Sino, sinabi niyang nararapat palakasin ang pagpapalitan at ugnayang tao-sa-tao, katulad ng paggunita sa kontribusyon ni Paduka Batara sa ugnayan ng mga Pilipino at Tsino.
“Sabi ko nga, napakaganda talaga ng ginawa ni Paduka Batara dahil hanggang ngayon, nakikinabang tayo sa relasyon na mayroon siya kay Emperador Yong Le. Kada pupunta ako sa Tsina, ramdam kong hindi ako ibang tao; ramdam ko kung gaano ako winewelkam; ramdam ko iyong init at hospitalidad ng bawat Tsinong nakakasalamuha ko,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Kiram na napakabuti para sa Pilipinas at Tsina, kung malakas iyong relasyong tao-sa-tao, at kailangang ihiwalay rito ang usaping pampulitika.
Sinabi ng prinsesa, na“hindi po tayo sasali roon sa pulitika dahil iyon ay pansamantala lamang.”
Diin niya, ang pagkakaibigang itinayo nina Paduka Batara at Emperador Yong Le ay 607 taon na, at ito ay matatag na simbolo ng ugnayang Pilipino-Sino.
Hinimok din niya ang mga Pilipino na balikan ang kasaysayan.
Kailangan aniyang aralin muli ng mga Pilipino ang kasaysayan dahil doon makikita kung paano nagkaroon ng magandang relasyon ang mga ninunong Pilipino at Tsino, at papaano ito maipagpapatuloy.
“Laging, matuto mula sa kasaysayan, dahil sa kasaysayan, hindi tayo kailanman magkakamali at makakapagplano tayo para sa hinaharap,” lahad pa niya.
Dagdag ni Kiram, kasama niya ngayong taon sa Dezhou si Senador Robin Padilla.
Ang pagsama aniya ni Senador Padilla ay importante upang pagbalik niya sa Pilipinas, maaari niyang i-ulat sa Senado kung ano ang nakita niya rito.
“Sabi ko nga kay senador, itong istoryang ito, itong puntod na ito, ang nakaratay po rito ay hindi isang Tsino. Ang nakaratay po rito ay isang Tausug, galing po ng Sulu,” hayag ng prinsesa.
Kaugnay nito, sinabi niyang planong gumawa ng pelikula ni Senador Padilla hinggil sa kasaysayan ng mga overseas Chinese na tumulong sa Pilipinas noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Maliban diyan, umaasa ang prinsesa na magkakaroon ng magkasamang proyekto ang Pilipinas at Tsina upang magawan din ng panibagong pelikula  ang istorya ng pagkakaibigan nina Paduka Batara at Emperador Yong Le.
“Nang sa gayon, kumalat ang kasaysayang ito at maipakita, na ang mga Pilipino at Tsino, noon pa man ay nagkakaisa na,” sabi ni Kiram.
Hinimok din ng prinsesa ang mga Pilipino na bumisita sa puntod ni Paduka Batara sa Dezhou.
“Itong puntod ni Paduka Batara ay hindi lang po kontribusyon para sa mga Tausug. Ito ay nagbibigay ng karangalan sa bawat Pilipino, at matibay na katunayan, na noong 1521, nang dumating sa Pilipinas ang mga Espanyol, hindi po tayo mang-mang, may pinanggalingan po tayo. Tayo ay dakilang nasyon bago pa man tayo sinakop ng Espanya," paliwanag niya pa.
Si Paduka Batara ay ang Hari ng Silangang Kaharian ng Sulu noong mga unang taon ng 1400s.
Bumiyahe siya sa Beijing kasama ang kanyang reyna, mga anak at enturahe noong 1417 upang makipagkalakalan at dalawin ang matalik na kaibigan, ang emperador ng Dinastiyang Ming, si Zhu Di, na kilala rin bilang Emperador Yong Le.
Sa kasamaang-palad, nagkasakit at namatay si Paduka Batara habang papauwi sa Sulu.
Nang malaman ito ng Emperador Yong Le, ipinag-utos niya ang pagtatayo ng isang enggrandeng musoleo na nararapat sa isang prinsipeng Tsino sa lunsod Dezhou, upang doon ihimlay ang labi ng kaibigan.
Dalawang anak na lalaki at ilang matatapat na sundalo ni Paduka Batara ang nagpa-iwan upang magsilbing bantay sa musoleo.
Doon na sila nanahan at nagtayo ng pamilya kasama ang mga lokal na residente.
Hanggang ngayon, ang kanilang mga salinlahi ang nangangasiwa sa puntod.
Ito ay isa sa mga makasaysayang pangyayaring nagbibigkis sa mga Pilipino at Tsino bilang magkapatid at magkapamilya.
 

 
https://filipino.cri.cn/2024/09/13/ARTImJf90sWtiDlgPFHX2Ks5240913.shtml

Mga mag-aaral ng PNU, kalahok sa 2024 Case Analysis Competition ng Tsinghua University

Mga mag-aaral ng PNU, kalahok sa 2024 Case Analysis Competition ng Tsinghua University
Inilunsad Agosto 17, 2024, sa Tsinghua University, Beijing, ang 2024 Tsinghua International Case Analysis Competition of Public Policy on Sustainable Development Goals (SDGs).
Lumahok dito ang koponan ng Philippine Normal University (PNU), kasama ang iba pang 39 koponan mula sa 19 na unibersidad at kolehiyo ng Tsina, Amerika, Britanya, Alemanya at iba pa.
Layon ng kumpetisyon na bigyan ng pagkakataon ang mga kalahok na pumili ng mga paksang may kaugnayan sa 17 SDGs para bumuo ng mga inobatibong solusyon sa patakarang pambuliko bilang tugon sa sustenableng pag-unlad.
Lakbay Lapis 2019 ay pangalan ng koponan ng PNU. Ang  kanilang case study na pinamagatang “What a Journey It Has Been! A Case Study of Rural Agri-Education Towards Climate Action and Environmental Justice” ay naggagalugad sa kung paano ang proyektong “Tanim ng Tatay-Nanay Ko, Aral Ko” ay umaayon sa 2030 SDGs.
Ayon kay Lizette Anne Carpio, miyembro ng koponan at Master’s student in Education in Curriculum and Instruction ng PNU, nagsimula ang kanilang proyekto noong 2019 sa isang pamayanan sa kanayunan ng lalawigang Quezon ng Pilipinas na naglalayong pasulungin ang rural agri-education at hikayatin ang komunidad na lumahok sa programang ito.
Sinisiyasat ng pag-aaral ng Lakbay Lapis 2019 kung paano ang inisyatiba ng rural agri-education ay maaaring magsilbing isang modelo para sa pagkilos sa klima o climate action at katarungang pangkapaligiran o environmental justice. 
Ayon naman kay Leah Mata, miyembro rin ng koponan at Master’s student in Education in Curriculum and Instruction ng Philippine Normal University (PNU), nalaman nila ang kompetisyon sa pamamagitan ng isa sa mga kaibigan nilang naninirahan sa Tsina at sa kanilang tagapayo na si Dr. Arlyne Marasigan ng PNU.
Sa kanilang pagbisita sa Tsina sa unang pagkakataon, naranasan nina Carpio at Mata ang maginhawang pamumuhay ng mga Tsino gamit ang makabagong teknolohiya at kung paano pinapahalagahan ng mga Tsino ang mga bisitang dayuhan na katulad nila.
Ayon kay Mata, namangha siya kung gaano kaunlad ang pamumuhay sa Tsina gamit ang didyital na teknolohiya.
Para naman kay Carpio, base sa kanyang naging karanasan, ang mga nakasalamuha nilang Tsino ay palakaibigan at laging tinutulungan sila sa kanilang mga pangangailangan o katanungan.
Isang magandang plataporma ng pagpapalitan ng karunungan, edukasyon at pagsasaliksik ang inorganisang case analysis competition ng Tsinghua University dahil nilalayon nitong higit pang mapaunlad ang ugnayan at relasyon ng Pilipinas at Tsina.
Palagay ni Mata, ang solusyon upang higit pang mapalago ang relasyon at ugnayan ng Pilipinas at Tsina sa larangan ng edukasyon, ay magbukas ng mga katulad na oportunidad, patimpalak sa pananaliksik, at pang-edukasyon na paglalakbay.
Habang sinabi naman ni Carpio na dapat maging bukas ang mga kababayang Pilipino na magkaroon ng mga kaibigang Tsino dahil, nakita niya kung gaano kasabik na matuto ng kulturang Pilipino ang mga Tsino.
Dagdag nito, maaari ring matutuo ang mga Pilipino sa mga Tsino at napakaganda na matutunan ang kulturang Tsino.
Bukod dito, binisita din nila ang Embahada ng Pilipinas sa Beijing at nakipagpulong kay Jaime A. FlorCruz, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, na malugod naman tinanggap at nakipagpalitan ng ilang mga karanasan bilang mag-aaral sa Tsina.
https://filipino.cri.cn/2024/08/22/VIDER7CYYmzLahtFN29nvg4u240822.shtml?spm=C57344.PP75IP7GVItd.EueXoW0RKXyy.1

Dive Philippines Product Presentation, inilunsad sa Beijing

Dive Philippines Product Presentation, inilunsad sa Beijing

Sa pagtataguyod ng Tanggapan ng Kagawaran ng Turismo ng Pilipinas sa Beijing (PDoT-Beijing) at Tourism Promotions Board (TPB), idinaos Agosto 1, 2024, sa ITB Flora Garden Restaurant, Beijing ang Dive Philippines Product Presentation and Networking Dinner.
 
Sa ilalim ng kampanyang "Love the Philippines," layon ng aktibidad na makipagtulungan sa 12 de-kalidad na Pilipinong diving supplier para dalhin  sa mga mahilig sumisid ang pinakabagong impormasyon tungkol sa Philippine diving at mga espesyal na produkto sa 2024 Diving Resort Tourism (DRT)  Show Beijing, na ginanap mula Agosto 2-4, 2024 sa China National Convention Center. 
 
Sa eksklusibong panayam ng Serbisyo Filipino-China Media Group (SF-CMG), kay Jaime A. FlorCruz, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, sinabi niya na isang magandang pagkakataon para makapagdala sa Tsina ng mga grupong Pilipino na ang negosyo ay pagsisid.
 
Ito aniya ay magpapalawak ng imahe at magpapaganda ng pangalan ng Pilipinas sa Tsina bilang puntahan ng mga gustong maglakbay at sumisid.
 
Napakaraming mga lugar para sa pagsisid at turista, at maraming aktibidad ang maaaring gawin doon, hindi lang pagsisid, kundi pag-akyat ng bundok, paglangoy, snorkeling, at iba pa, dagdag ni FlorCruz.
 
Sinabi naman ni Ernesto S. Teston, Tourism Operations Officer ng PDoT-Beijing na idinaos ng DoT ang mga aktibidad para isulong ang pagsisid sa mga turistang Tsino.
 
Sa kanyang presentation, sinabi ni G. Teston na ang Pilipinas ang sentro ng saribuhay sa dagat o marine biodiversity, at kabilang ang Pilipinas sa coral triangle, kaya, walang ibang paraan kundi ang maranasan ang ganda ng Pilipinas.
 
Saad ni Teston na sa pamamagitan ng pagsali ng Kagawaran ng Turismo sa Diving & Resort Travel Expo (DRT Show) Beijing na gaganapin Agosto 2-4, 2024, nagdala sila ng mga seryosong dive shop at tagapamahala para himukin ang mga turistang Tsino na bisitahin ang Pilipinas at galugarin ang ganda ng yamang dagat.
 
Para kay Morpheus Gorobat Jr., Owner ng Starboard Diving Resort, San Luis, Batangas, sinabi niya na hindi na bago sa kanila ang pagkakaroon ng mga bisitang Tsino at ikatlo ang Tsina sa mga turistang bumibisita sa Pilipinas.
 
Inaasahan niya na sa taong ito na dadami pa ang mga turistang Tsino dahil, kasama ng Kagawaran ng Turismo, kaisa silang mga may-ari ng resort sa pagkakaroon ng magandang karanasan ng mga bisita pagdating sa pag-scuba diving, free diving, tirahan at pati na rin ang pagkakaroon ng hyper body chamber sa kanilang sariling resort.
 
Saad ni Gorobat Jr. na ang mga ito ay isang pagpapatunay na ang mga Pilipino ay maaasahan pagdating sa mabuting pagtanggap at pag-aruga ng mga bisita kaya, inaasahan niya na dadami pa ang mga Tsinong mahihilig sumisid na pumunta sa Pilipinas, hindi lang sa kanilang resort, pati na rin ang lahat ng dive destination ng mga iba’t ibang resort sa buong Pilipinas.
 
Nais naman sabihin ni Alex Bao, isang Tsinong vlogger at professional traveler, na bilang isang senior diver, napuntahan na niya ang maraming sikat na diving spots sa buong mundo, at ito ang kanyang kauna-unahang pagkakataon na makapunta sa Pilipinas noong Abril.
 
Aniya, para sa mga diver na katulad niya, ang Pilipinas ay isang magandang lugar para pagmasdan ang mga kakaibang higanteng hayop sa dagat at higit pa rito, napakalinis ng kalidad ng tubig, at ang mga kagamitan naman ay sulit na sulit.

https://filipino.cri.cn/2024/08/05/VIDEp7iGOeJpOihgnvsEaX1a240805.shtml

Kultura ng tradisyonal na pagbabatok, ibinahagi sa 2024 China Tattoo Convention

Ang taong 2024 ay  ASEAN-China Year of People-to-people Exchanges.
 
Tulad ng alam natin, maraming pagkakapareho sa mga kultura ng Pilipinas at Tsina. Kabilang dito ang tradisyonal na pagbabatok.
 
Kilala ang mga kababaihang etniko ng Dulong at Dai mula sa probinsyang Yunnan at etnikong grupo ng Li mula sa probisyang Hainan sa katimugang bahagi ng Tsina sa kanilang mga tattoo, at maihahalintulad ito sa mga grupong etniko sa Cordillera ng Pilipinas.
 
Idinaos ang 2024 China Tattoo Convention mula Mayo 25-27 sa lunsod Langfang, lalawigang Hebei sa dakong hilaga ng Tsina. Bilang isa sa mga kinatawang Pilipino, lumahok sa naturang kombensyon si Wilma “Ate Wamz” Gaspili, Cordilleran Mambabatok, mula sa munisipalidad ng La Trinidad, lalawigang Benguet, hilagang bahagi ng Pilipinas.
 
Sa eksklusibong panayam ng China Media Group–Filipino Service (CMG-SF), ipinahayag ni Ate Wamz, na ito ang kanyang unang pagkakataon na makapunta ng Tsina at nagagalak siya na makadalo sa kombensyon .
 
Aniya, isang karangalan ang maimbitahan sa Ika-18 China Tattoo Convention para ibahagi ang kultura ng pagbabatok, isang tradisyonal na pamamaraan ng pag-ta-ttatoo mula sa rehiyon ng Cordillera, at natutuwa rin siya dahil marami siyang maibabahaging karanasan sa mga kababayang Igorot pagbalik niya ng Pilipinas.
 
Saad ni Ate Wamz, kahit hindi perpekto ang pamamaraan ng pagbabatok,  hinahangaan pa rin ito ng mga dayuhan dahil sa tingin nila “yan ang kagandahan ng tradisyonal na tattoo.”
 
Sobrang pasasalamat sa mga Tsino’t Pilipinong tumanggap at sumuporta sa kanya para ipaliwanag at isalin ang mga kahulugan ng larawang tattoo sa wikang Tsino, dagdag niya.

Philippines-China Friendship Day at ugnayang pangkalakalan ng mga Pilipino at Tsino

Mahigit 1,000 taon na ang kasaysayan ng pagkakalakalan ng  mga Pilipino at Tsino, at ang ebidensya ay makikita sa Volume 186 ng Song Dynasty Annals, sa isang opisyal na utos ni Emperador Taizu noong 971AD.
 
Sa pagdiriwang ngayong Hunyo 9 ng “Philippines-China Friendship Day,” inihahandog ng Serbisyo Filipino ang isang maikling video na nagsasalaysay ng kuwento ng ugnayang pang-negosyo at pagkakaibigan ng mga sinaunang Pilipino at Tsino, at patuloy na pagsigla ng relasyong pang-negosyo ng dalawang panig.
 
Narito’t panoorin ninyo!

Ika-126 na anibersaryo ng kalayaan, ipinagdiwang sa Embahada ng Pilipinas sa Beijing

Ipinagdiwang, Hunyo 9, 2024 sa Embahada ng Pilipinas sa Beijing, ang ika-126 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas na may temang “Kumustahan sa Pasuguan: 126th Independence Day and Migrant Workers Day Celebration.”

Sa kanyang pambungad na pananalita, sinabi ni Jaime A. FlorCruz, Embahador ng Pilipinas sa Tsina na nagagalak siyang makita ang mga Pilipinong naninirahan sa Tsina na ipagdiwang ang ika-126 na taong anibersaryo ng kalayaan at pagkatatag ng bansang Pilipinas, at gunitain ang araw ng mga manggagawa sa ibayong bansa o Overseas Filipino Workers’ Day.

Aniya, nais niyang gamitin ang okasyong ito para alamin ang kasalukuyang sitwasyon at kalagayan ng mga kababayang Pilipino para lubos na makapagbigay ng serbisyong tama at sapat, alinsunod sa ang kampanyang Bagong Pilipinas na inilunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ng Pilipinas.

Sinabi rin niyang ang lahat ng mga Pilipino ay may responsibilidad sa pamahalaan at sa sarili, kailangang ugaliin na tumayo sa sariling paa at mag-ambag sa bayan sa abot ng makakaya. Bilang sukli, ang pamahalaan ay magsisilbing sandigan sa panahon ng pangangailangan, dagdag pa niya.

Kaugnay nito, hinikayat ni Embahador FlorCruz ang mga Pilipino na magparehistro para sa darating na Eleksyon 2025 at mayroong Overseas Registration Drive na pwedeng bisitahin.

“Lahat po tayo ay may sagradong karapatan at responsibilad na gamitin ang balota para pumili ng ating lidirato, huwag nating sayangin ito at bumoto po tayo,” diin ni Amb. FlorCruz.

Samantala, itinampok sa pagdiriwang ang nakaugaliang paghihiwa ng lechon, at iba’t ibang produkto’t pagkain na gaya ng tradisyunal na kasuotan, pamaypay, inumin, kakanin, serbesa, sitsirya at marami pang iba.

Ipinagmalaki rin sa naturang selebrasyon ang pagbabatok, isang tradisyonal na pamamaraan ng pag-ta-ttatoo, ni Wilma “Ate Wamz” Gaspili, isang mambabatok mula sa probinsyang Benguet, Rehiyong Administratibo ng Cordillera.

Hindi rin nawala sa pagdiriwang ang iba’t ibang palaro na gaya ng pabitin, karera ng sako, hilahan ng lubid, at basagang palayok.

Bukod dito nagpakitang gilas din ang ilang mga Pilipino ng kanilang angking galing sa pamamagitan ng pagsasayaw, pagkanta at pagpapasaya na hinangaan at pinalakpakan ng mga manonood.

Buwan ng Mayo, pagdiriwang ng masayang pestibal ng pandaigdigang kultura

Tuwing sasapit ang buwan ng Mayo, hindi nawawala sa kulturang Tsino ang kaliwa’t kanang pagdiriwang ng masayang International Cultural Festival (#ICF) ng iba’t ibang unibersidad para ibahagi at ipakilala ang pandaigdigang kultura sa internasyonal na komunidad.

Kaugnay nito, Mayo 18, 2024 sa Beijing, magkasabay na ipinagdiwang ng ilang mga Pilipinong estudyante mula sa Tsinghua University at Beihang University ang ICF at ibinahagi nila ang kanilang karanasan hinggil dito.

Ayon kay Enrico Gloria, Ph.D. in Politics, Tsinghua University, magandang pagkakakaton ang ICF para sa mga Pilipinong estudyante ng Tsinghua at nasasabik sila na ipakita kung ano talaga ang kulturang Pilipino sa mga Tsino.

Aniya, isa sa pinakamahalagang aspekto ng relasyong Pilipino-Sino ay ang pagpapalitang tao-sa-tao na hindi masayadong napag-uusapan, kaya sa pamamagitan ng aktibidad ng ICF, maaari nitong ibahagi ang kultura ng Pilipinas, kasabay ng kaparehong kulturang mayroon ang mga Tsino.

Sa pananaw ni Gloria, maraming oportunidad para makapag-aral at paunlarin ang mga kasanayan ng mga Pilipino sa Tsina, gaya ng pagkakaroon ng mga abiso mula sa mga unibersidad ng Tsina at bukas ang Commission on Higher Education ng Pilipinas para sa mga Pilipinong nais mag-aral sa Tsina.

Habang makikita sa ipinagmamalaking booth ng mga Pilipinong estudyante ng Tsinguha University ang iba’t ibang produktong may elemento ng kulturang Pilipino gaya ng sasakyang jeep na yari sa kahoy, bulaklak na gawa sa ratan at kapiz, mga librong Noli Me Tangere at El Filibusterismo at buhay ni Dr. Jose Rizal.

Ayon naman kay Charish Uy, B.A. in International Relations, Tsinghua University, ang pagdiriwang ng ICF ay isang pagkakataon na matutunan ang iba’t ibang kultura at makilala rin niya ang iba pang kultura at tao mula sa iba’t ibang bansa.

Aniya, nakakatulong ang ICF para palaguin ang pagkakaunawaan at relasyon ng Pilipinas at Tsina.

Sa pananaw ni Uy, hindi talaga hadlang ang wika para sa mga Pilipinong nais mag-aral sa Tsina dahil itinuturo ang mga kurso sa wikang Ingles at maraming mga Tsino at internasyonal na estudyante ang nakakapagsalita ng wikang Ingles at Tsino.

Para naman sa mga Pilipinong estudyante ng Beihang University, ito ang unang pagkakataon na sila ay makasali at makapagtayo ng isang booth sa kasaysayan ng pagdiriwang ng ICF ng unibersidad.

Makikita sa kanilang booth ang tema ng isang peryahang may nakasabit na makukulay na bandiritas, larong Color Game o Betu, sitsirya mula sa Oishi at ilang produktong inumin.

Para kay Sarah Fresco, B.Eng. in Mechanical Engineering, Beihang University, isang napakaimportanteng selebrasyon ang ICF dahil, magiging parte ito ng kanyang karanasan, at malaki rin ang papel nito para sa inklusibo at kahalagahan ng pagkakaiba-iba ng mga internasyonal na estudyante mula sa iba’t ibang kultura.

Sa tingin niya, malaki rin ang ginagampanang papel ng selebrasyon ng ICF para sa pagpapalago ng relasyon ng Pilipinas at Tsina dahil, hindi nito hinahayaang pabayaan ang pagkakaiba’t pagkakapareho ng mga kultura ng isa’t isa at higit nitong pinapatatag ang koneksyon ng dalawang bansa.

Sa tingin din ni Fresco, higit pang mahihikayat ang mga Pilipino na mag-aral sa Tsina dahil, pinapakita nito ang perks o kawili-wiling aktibidad at benepisyo, buhay sa loob at labas ng unibersidad, at mayamang kultura at pamumuhay sa Tsina.

Pagdiriwang ng Bagong Taong Tsino, sayaw ng batang dragon at leon

Pagdiriwang ng Bagong Taong Tsino, sayaw ng batang dragon at leon
Nakaugalian na ng mga Tsino ang masaya at makulay na pagdiriwang ng Chinese New Year o Bagong Taong Tsino at ngayong 2024, papatak ito sa Taon ng Dragon.
 
Isa sa mga nakaugaliang tradisyon tuwing sasapit ang Bagong Taong Tsino ay ang pagsayaw ng dragon at leon na nagsimula pa noong mga Dinastiyang Han at Tang, 2000 taon na ang nakakaraan.
 
Dahil sinisimbolo ng dragon ang kabanalan ng ulan at magandang ani sa kabutihan nito. Habang ang leon naman ay isang pigura ng proteksyon na nagtataboy sa mga demonyo at masasamang espiritu sa taunang pagdiriwang.
 
Pero, para sa propesyonal na pangkat ng mga artistiko, misyon nila na isulong ang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng kultura ng komunidad ng daigdig habang, ipinagmamalaki ang mayamang katutubong kultura ng nasyong Tsino.
 
Sa gabay at tulong ng mga guro mula sa Beijing Shunyuanxiang Art Troupe, Distrito ng Shunyi, naipagpapatuloy ang nasimulang tradisyon sa pamamagitan ng pagpapasa ng pambansang kultura sa mga batang Tsino at sa susunod pang mga henerasyon.
 
Kasabay niyan, isang pambihirang pagkakataon ang ibinigay sa Serbisyo-Filipino ng China Media Group para masilayan ang isang paghahanda ng mga mag-aaral na mananayaw ng dragon at leon, mula sa Henan Village Central Primary School at mabigyan ng oportunidad na maturuan at maranasan ang kanilang pamamaraan ng pagsayaw para sa pagdiriwang ng Bagong Taong Tsino.
 
 
Ipinaliwanag ni Qu Weiqiang, Coach ng Beijing Shunyuanxiang Art Troupe ang pamamaraan ng paglalagay ng sinturon sa baywang bago sumayaw at ang kahulugan ng salamin sa ulo ng leon.
 
Ayon kay Qu, itinatali ang sinturon sa baywang para magtulungan ang dalawang tao sa paggalaw,  at hinahawakan ng dalawang kamay ang sinturon at maaring magsilbi para sa iyong kaligtasan.
 
Paliwanag din niya, ang salamin na nakakabit sa ulo ng leon ay sumisimbolo sa araw. Nangangahulugan itong kailangang sundin ng mga tao ang araw at tulad din ng araw, kailangang sumikat.
 
Para kay Li Yatong, mag-aaral ng Henan Village Central Primary School, Distrito ng Shunyi, Beijing at tumatayong lider ng dragon and lion dance troupe, ang sayaw ng dragon at leon ay isang kolektibong aktibidad, kinakailangan ng isang grupo, at higit pang kamalayan ng grupo.
 
Aniya, sumali siya sa aktibidad dahil may kakaibang hugis ang sayaw ng leon, sumisimbolo ito sa diwa ng katapangan, at nagbibigay ito ng swerte.
 
Ayon naman kay Fan Taohua, guro ng Henan Village Central Primary School, nabuo ang dragon and lion dance troupe ng kanilang paaralan, kasama ng Beijing Shunyiangxiang Art Troupe, ng Feilong Film and Television Club noong 2015.
 
Aniya, binuo ang dance troupe para magsagawa ng pagsasanay ng pagmamana ng pambansang kultura at nanalo na ng mga gantimpla mula sa iba’t ibang paligsahan.   
 
Bagama’t ibinahagi ko sa maikling video na ito ang aking masayang karanasan at kakaunting natutunan sa pagsasayaw ng dragon at leon, nawa’y mag-iwan ito ng kasiyahan at magandang aral para sa lahat.
 
Isang Maligayang Bagong Taong Tsino sa inyong lahat.  
 
 
Ulat/Video Editor: Ramil Santos
Video: Mark Cristino, Ramil Santos
Researcher: Frank
Patnugot sa teksto at website: Jade

Pilipinong volunteer sa ika-19 Hangzhou Asian Games, nagbigay ng karanasan

Sa panayam ng China Media Group Filipino Service, Setyembre 28, 2023 kay Olivia Miralles, Pilipinong volunteer sa ika-19 Hangzhou Asian Games, sa Huanglong Sports Centre, sinabi niya na bilang estudyante, lahat ng mga guro, nakikitaan kami ng malaking potensyal.

Mula ng nagbukas ang aplikasyon para sa ika-19 Hangzhou Asian Games volunteering, sila ang nag-udyok sa amin na mag-ambag para sa isa sa isang milyong kaganapan ito. Bagama’t sinabihan kami na ang mga responsibilidad ay magiging mabigat, nandoon sila para bigyan kami ng mental health session upang makayanan ang presyur kapag nasa pwesto na, ani Miralles.

Si Miralles ay nasa kategorya ng ticketing, ibig sabihin, hindi siya pwedeng pumasok sa loob ng stadium at ang tanging responsibilidad niya ay tignan lamang ang mga tiket kung ito ay nasa tamang laro, oras at lugar.

Isang malaking hamon ang pagkakaron ng language barrier, pero nandoon ang aming mga guro upang gabayan kami kung nahihirapan kami na bigyan ng serbisyo ang madla dito sa Huanglong Sports Center, dagdag niya.

Margielyn Didal, bigong masungkit ang skateboard title

Setyembre 27, 2023, Miyerkules, sa Qiantang Roller Skating Centre, nabigong sungkutin ni Margielyn Didal ang skateboard title para championship round ng women’s Street Style Skateboarding ng ika-19 Asian Games.
 
Dahil sa pagkabalisa ng kanyang paa na kinailangan ng operasyon 11 buwan na ang nakararaan, ang 24-anyos na si Didal ay nagtala ng 23.39 na puntos sa kanyang unang pagtakbo at nagtapos sa ikawalong pwesto na may 12.84 na puntos.
 
Ayon kay Didal, mag-e-eleven months pa lang, kaya inaasahan niya na sumasakit parin ang kanyang operasyon, ngunit nasa proseso na siya ng paggaling.
 
Bilang kauna-unahang Pilipinong nanalo sa 2018 Asian Games, hindi ito tungkol sa pagdepensa ng titulo, ang skateboarding ay hindi isang regular na isports, ngunit ito ay tungkol sa kultura at pagsuporta sa bawat isa, Ani Didal.
 
Nasa proseso parin ako ng paggaling at ang susunod na laban ay sa Japan, Disyembre, para sa World Championship qualifying ng sususunod na Olympics, at sana ay gumaling na at hindi na sumasakit, dagdag ni Didal.

Unboxing video ng Sichuan Opera face-changing Rongbao blind box

Ang Ika-31 FISU Summer World University Games ay kasalukuyang ginaganap sa Chengdu, lalawigang Sichuan ng Tsina.

Kalahok din ang delegasyon ng Pilipinas na binubuo ng 39 miyembro. Ang mga Pilipinong kabataang atleta ay lumalahok sa iba’t-ibang paligsahan na gaya ng atheletics, badminton at martial arts.

Sana makapagtamo ng magandang resulta ang lahat ng mga manlalaro na kinabibilangan ng mga atletang Pilipino, at maging katuparan ang kanilang pangarap sa Chengdu.

#unboxing #blindbox #RONGBAO #FISU #FISUWorldUniversityGames #chengdu #popmart #souvenirs #SichuanOpera

https://filipino.cri.cn/2023/08/04/VIDE2ibfke6u3KW884qBGJmC230804.shtml?spm=C57344.PP75IP7GVItd.EueXoW0RKXyy.1

Biyaheng Tsina ng Prinsesa ng Sulu: Silat bilang kulturang Pilipino, Turismo ng Sulu

Sa pang-apat at huling kabanata ng aming panayam kay Princess Jacel Kiram ng Sultanato ng #Sulu, ikukuwento niya sa atin kung paano naging integral na bahagi ng kulturang Pilipino ang sining ng #Silat, promosyon ng Sulu bilang panibagong destinasyong panturismo ng Pilipinas at kung paano ito makakabuti sa ekonomiya ng bansa, at pagkakatagalaga sa kanya bilang bagong Espesyal na Sugo ng International Cooperation Center (#ICC), isang non-government organization sa Tsina. Ani Jacel, sa kanyang bagong trabahong ito, magkakaroon siya ng pagkakataon upang lalo pang maisulong ang ugnayan ng Pilipinas at Tsina.

https://filipino.cri.cn/2023/06/13/VIDEjuT2eSFf0jCDXgciFNkr230613.shtml?spm=C57344.P8cRNUZu33xF.Ejizizg6IyxY.2

Ika-50 Anibersaryo ng Relasyong Pilipino-Mongol, ipinagdiwang sa Tsina

Isang pagtitipong may temang “Golden Harmony: a Showcase of Filipino & Mongolian Culture”, ang magkasamang idinaos, Hunyo 7, 2023 ng Pasuguan ng Pilipinas at Pasuguan ng Mongolia sa Culture and Information Center of Mongolia ng Embahada ng Mongolia sa Beijing, kabisera ng Tsina bilang pagdiriwang sa Ika-50 Anibersaryo ng Diplomatikong Relasyon ng dalawang bansa.

Isang kultural na programa ang naging pinakatampok ng pagtitipon, kung saan, nagtanghal ang mga mang-aawit na Pilipino’t Mongol.

Kabilang sa mga itinampok ay pagkanta ng mga awiting Pilipino ng grupong “The Nightingales at Lakbay Guitar Duo,” pag-awit ng tradisyunal na himig ng Mongolia ni Jalam Har, pagtatanghal ng kabigha-bighaning tugtugin gamit ang biyolin na may ukit ng ulo ng kabayo, o Ma Tou Qin sa wikang Tsino, at kolaborasyon ng mga artistang Pilipino’t Mongol.

Maliban diyan, ineksibit din sa Pasuguan ng Mongolia sa Beijing ang mga tradisyunal na telang mula sa Pilipinas at magagandang pintang gawa ng mga artistang Mongol.

Biyaheng Tsina ng Prinsesa ng Sulu: Resulta ng pagdalaw at pagkakapareho ng kulturang Pilipino-Sino

Narito ang ikatlong bahagi ng panayam ng Serbisyo Filipino kay Princess Jacel H. Kiram, Prinsesa ng Sultanato ng Sulu.

Tampok dito ang unang pagkakataong panonood ng prinsesa ng Peking Opera, isang uri ng tradisyonal na sining ng Tsina, at pagkakahawig nito sa “Paglulugo,” isang traisyunal na sining ng Sulu na idinaraos sa mga kasalan at iba pang okasyon.
Ulat: Rhio Zablan at Ramil Santos

Halina’t panoorin ninyo!

https://filipino.cri.cn/2023/06/07/VIDEr6Gy3RbPSiMwIKXLp7a7230607.shtml?spm=C57344.PP75IP7GVItd.EueXoW0RKXyy.1

Biyaheng Tsina ng Prinsesa ng Sulu: Pagpapalakas ng mahigit 1,000 Taong Relasyong Pilipino-Sino

Narito ang ikalawang bahagi ng panayam ng Serbisyo Filipino kay Princess Jacel H. Kiram.

Tampok dito ang pagpapalakas ng mahigit 1,000 taong kasaysayan ng relasyong Pilipino-Sino, pagbisita ng prinsesa sa mga kaibigan sa Beijing, pagkikipagpulong niya kaugnay ng pagdiriwang ng ika-606 na anibersaryo ng pagdalaw ni Paduka Batara sa Beijing, at marami pang iba.

Si Paduka Batara ay ang hari ng Silangang Kaharian ng Sulu noong mga unang taon ng 1400s.

Bumiyahe siya sa Beijing kasama ang kanyang reyna, mga anak at enturahe noong 1417 upang makipagkalakalan at dalawin ang matalik na kaibigan, ang emperador ng Dinastiyang Ming, si Zhu Di o mas kilala bilang Emperador Yong Le.

Sa kasamaang-palad, habang papauwi sa Sulu, nagkasakit at namatay si Paduka Batara.

Nang malaman ito ng Emperador Yong Le, lubha siyang nalungkot, at bilang pagpupugay, ipinag-utos niya ang pagtatayo ng isang enggrandeng musoleo na nararapat sa isang prinsipeng Tsino sa lunsod Dezhou, lalawigang Shandong, upang doon ihimlay ang mga labi ng kaibigan.
Dalawang anak na lalaki at ilang matatapat na sundalo ni Paduka Batara ang nagpa-iwan upang magsilbing bantay sa musoleo.

Doon na sila nanahan at nagtayo ng pamilya kasama ang mga lokal na residente.

Hanggang ngayon, ang kanilang mga salinlahing mga Tsino ang nangangasiwa sa puntod ni Paduka Batara.

Ito ay isa sa mga pangyayaring nagbigkis sa mga Pilipino at Tsino bilang magkapatid at magkapamilya.

Ika nga ng prinsesa, ang kuwento ni Paduka Batara ay hindi lamang nagbibigay-karangalan sa mga Tausug, kundi ito ay dangal din ng bawat ng Pilipino, dahil ito ay patunay na bago pa man dumating ang mga Kastila, mayroon na tayong modernong lipunan, kultura, pamahalaan, relasyong pangkalakalan, at diplomatikong relasyon sa Tsina.

“Pilipino ako! Sigurado akong ganito rin ang pakiramdam ng lahat ng Pilipinong makakaalam sa ating relasyon sa Tsina,” saad pa niya.
Tungkol dito, sinabi ni Jacel, na sa Setyembre ng taong ito, gaganapin ang pagtitipon upang ipagdiwang ang anibersaryo ng nasabing pagdalaw, at siguradong babalik siya sa Tsina sa panahong iyan.

https://filipino.cri.cn/2023/06/06/VIDEJHOyR44BJsgOVNCynZKg230606.shtml?spm=C57344.PP75IP7GVItd.EueXoW0RKXyy.5

Biyaheng Tsina ng Prinsesa ng Sulu: Kuwento ng pagkakaibigan at pagpapalitan

Bumisita kamakailan sa Tsina si Princess Jacel H. Kiram, Prinsesa ng Sultanato ng Sulu, at sa kanyang pagpunta sa Beijing, pinalad ang Serbisyo Filipino na makakuwentuhan siya.

Narito ang una sa apat na video ng kanyang panayam kung saan napag-usapan ang layon ng kanyang pagbisita sa Tsina, mabubuting aral na puwedeng mapulot ng mga Tausug at lahat ng Pilipino sa mga Tsino, at marami pang iba.

Sinabi ng prinsesa, na nais niyang pag-aralan ang industriya ng paggawa ng mga pagkaing Tsino na Sertipikadong Halal o Halal Certified Chinese Cuisine upang tingnan kung puwede itong dalhin sa Pilipinas, lalo na sa mga Muslim sa Mindanao.

Sa kanyang pakikipag-usap sa mga opisyal at mamamayang Tsino, napansin niya ang kanilang kasipagan, epsiyensya, dedikasyon at diwa ng pagtutulungan.

Tungkol dito, sinabi niyang “ang Tsina po ay hindi mayamang bansa noong mga 1970s, pero sa loob ng maikling panahon, dahil sa pagtutulung-tulong ng mga Tsino, nagtagumpay ang bansa. Umaasa akong mapag-aaralan ito, at sana, 5 hanggang 10 taon mula ngayon ay magkakaroon tayo ng mas maunlad at masaganang Pilipinas.”

Kuwento ni Princess Jacel, ang unang hinto ng kanyang pagdalaw sa Tsina ay lalawigang Guangdong, at doon ay natikman niya ang masasarap na pagkaing Tsino na Sertipikadong Halal, tulad ng siopao, siomai, hakaw, at marami pang iba.

“Umaasa akong madadala natin ang mga ito sa Pilipinas, partikular para sa mga Muslim sa Mindanao,” dagdag niya.

Sa kanya namang pagdalaw sa lunsod Xi’an, lalawigang Shaanxi, gawing gitna ng Tsina, sinabi ni Jacel na nakatagpo niya ang Xi’an Halal Chamber of Commerce (XHCC), na tagasertipika ng lahat ng pagkaing Halal sa Tsina.

Aniya, dinayo rin niya rito ang Huimin Jie o Muslim Street, kung saan, muli niyang tinikman ang mga pagkaing Tsino na Sertipikadong Halal.

Bukod diyan, nagpunta rin aniya siya sa musoleo ng unang emperador ng Tsina na si Ying Zheng o mas kilala sa tawag na Qin Shi Huang, kung saan, sinilayan niya ang libu-libong Mandirigmang Terakota.

“Napakaganda ng klima at lunsod ng Xi’an, parang Baguio,” aniya pa.

https://filipino.cri.cn/2023/06/06/VIDESxIeZXB8rAH7PfJNT5mN230606.shtml?spm=C57344.PP75IP7GVItd.EueXoW0RKXyy.3

Mga sikat na artista at direktor sa red carpet ng Ika-13 BJIFF

Ginanap sa lakeside ng Yanqi Lake, Distrito ng Huairou, Lunsod Beijing ang pagbubukas ng red carpet ng ika-13 Beijing International Film Festival.

Pinamunuan ito ng batikang direktor na si Zhang Yimou at dinaluhan ng mga sikat na artista at direktor mula sa iba’t ibang bansa.

Direktor Peter Chan ng Comrades, Almost a Love Story, Perhaps love,

Aktres Gulnazar ng Police Story 2013, The Breakup Guru, Black & White, Jin Chen ng Wu Xin: The Monster Killer at Candle in the Tomb: Mu Ye Gui Shi

German direktor Florian Henckel von Donnersmarck

Wu Jing at Wang Zhi ng The Wandering Earth II.

Dumalo din ang buong cast ng The Great War na pinagbibidahan nina Zhang Songwen at Zhang Ziyi.

Pati na rin ang cast ng The Legend na pinagbibidahan ni Jackie Chan.

Tatakbo ang naturang pestibal mula Abril 22 hanggang 29, 2023.

Ulat/Video Editor: Ramil Santos

Arirang Prime Made in Korea 21st Century Strategy Ep 287, Philippines 2016

A segment video we shot in the Philippines for Arirang Prime Made in Korea 21st Century Strategy Ep. 287 aired on November 16, 2016

No Copyright Infringement is intended. Original Source:
Arirang TV, Arirang Prime Korean Company Hallyu in Philippines, Nov 16, 2016
https://www.youtube.com/watch?v=34JMbLwu5D4&t=94s

Please subscribe to their social media accounts

Homepage: http://www.arirang.com
Facebook: http://www.facebook.com/arirangtv
Twitter: http://twitter.com/arirangworld
Instagram: http://instagram.com/arirangworld

Napahai Prairie Barbecue 纳帕海草原烧烤

On the second day of the activity, it was already lunchtime and everybody was so hungry. So we went to Napahai and experienced eating Prairie Barbecue. It was so delicious that you will go back and eat it again.

  采风活动的第二天,已经是午餐时间了,每个人都很饿。所以我们去了纳帕海草原,体验了吃草原烧烤。烧烤非常好吃,以至于你会想回去再一次吃它。
Load More